Lunes, Pebrero 10, 2014

BANGKANG PAPEL ni Genoveva Edroza-Matute

BANGKANG PAPEL ni Genoveva Edroza-Matute 
Nagkatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag iyo'y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon, ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan. 

Ilang maliliit na bata ang magpapalutang ng mga bangkal papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak. 

Sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kailanman... 

Isang batang lalaking nagising sa isang gabi, sa mag dagundong na nakagugulat. 


Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya'y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niyang noon ay wala nang ingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan. 


Sa karimla't pinalaki niya ang dalawang mata, wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang dagundong ng biglang pumuno sa bahay ang biglang pagliliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap nang paningin ang kanyang ina. 


Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng mga iyo'y sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala'y patuloy ang pagbuhos ng ulan sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako. 


Muling nahiga ang nagbalikwas at ang tinig niya ay pinatalagos sa karimlan. 


"Inay, umuulan, ano?" 


"Oo, anak, kangina," anang tinig mula sa dulo ng hihigan. 


"Inay," ang ulit niya sa karimlan, "dumating na ba ang Tatay?" 


Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kaya't itinaas niya nang bahagay ang likod at humilig sa kaliwang bisig. Sa kanyang tabi;y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito'y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at sa kabila naman nito'y nakita niya ang banig na walang tao. 


Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigis ng lamig ng kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni milng ay hinila niya ang kumot at ito'y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naaawa siya kay Miling kaya't ang kalahati ng kumot ay ibinalot sa katawan niyon at siya'y namaluktot sa nalabing kalahati. 


Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanag kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot niya ang sahig. 


Anong lamig sa sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot. 


"Inay," ang tawag niyang muli, "bakit wala pa si Tatay? Anong oras na ba?" 


"Ewan ko," ang sagot ng kanyang ina. "Matulog ka na, anak, at bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo." 


Natuwa ang bata sa kanyang narinig. 


Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki'y malalaki't matitibay...hindi masisira ng tubig. 


Dali-dali siyang nagbangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang kausap. Idinaan niya ang kanyang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina. Naramdaman niya ang bahagyang pag-aangay ng kaliwang bisig niyon. Ang kanang kamay noo'y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita: 


"Siya, matulog ka na." 


Ngunit ang bata'y hindi natulog. Mula sa malayo'y naririnig niya ang hagibis ng malakas na hangin. At ang ulang tangay-tangay noon. 


"Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi," ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama. 


"Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?" ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit ito'y hindi sumagot. 


Sinipat niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hindi niya makita. 


Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito. Tatlong malalaking bangkang yari sa papel na inaanod ng baha sa kanilang tapat... 


At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-hulihang pangrap ng batang yaon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy sa pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabata ng walang awing hampas ng hangin at ulan... 


Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating... Ngunit kakaibang kinabukasan. 


Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa 
hihigan. Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina. 


Pupungas siyang bumangon. 


Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang yao'y si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay. 


Hindi niya maunawaan ang tingin noong tila naaawa. 


Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat. 


Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, si Alng Ading, si Feli, at si Turing, si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao. 


Nahihintakutang mga batang humanap kay kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplus-haplos ng kanyang ina. 


Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa rati. Ngunit ang mga mata noo'y hindi pumupikit, nakatingin sa wala. 


Patakbo siyang lumapit sa ina at sunud-sunod ang kanyang pagtatanong. 


"Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?" 
Ngunit tila hindi siya narinig ng kausap. Ang mga mata noo'y patuloy sa hindi 
pagsikap. Ang kamay noo'y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling. 


Nagugulumihang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila'y biglang natigil nang siya'y makita. 


Wala siyang narinig kundi... "Labinlimang lahat ang nangapatay..." 


Hindi niya maunawaan ang ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. 


Ang anasan. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita. 


Sa pagitan ng mga hikbi, siya'y patuloy sa pagtatanong... 


"Bakit po? Ano po iyon?" 


Walang sumasagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya'y nanatiling pinid ang labi. Ipinatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya'y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na. 


Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao. 


"Handa na ba kaya?" anang isang malakas ang tinig. "Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo'y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man. 


Bago lumubog ang araw sila'y papasok dito... Kaya't walang maaaring maiwan." 


Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nagyari. 


Sila'y palabas na sa bayan, silang mag-iiba, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming-maraming tao, at ang kani-kanilang balutan. 


Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salimbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay. 


Sa labinlimang nangapatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama...sa labas ng bayan...sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan. 


Nag-aalinlangan, ang batang lalaki'y lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang mga paa sa paghakbang. 


"Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?" 


Ang mga bata noong nakatingin sa matigas na lupa ay isang saglit na lumapit sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig na marahang-marahan ay nagsalita. 


"Iyon din ang nais kong malaman, anakm iyon din ang nais kong malaman." 


Samantala... 


Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid na kanyang tahanan ay nararagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan. 


Ang gabing yaon ng mga dagundong at sigwa, ng mga pangarap na kinabukasan at ng mga bangkang papel - ang gabing yaon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili'y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon. 


Kaya nga ba't sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento